Ayon pa kay Dr. Holmes, isang bagay na hindi nasusukat ng mga “poll surveys” ang “usap-usapan” o “word of mouth” ng taumbayan na karaniwang nangyayari mga isang buwan bago maganap ang halalan. “Mas malakas ito kaysa sa tinatawag na “religious block voting” o maging sa “command vote” ng mga political parties o dynasties sa mga tinatawag na balwarte”, ayon kay Dr. Holmes. Noong nakaraang eleksyon, maliit lamang na porsyento ang nai-deliver ng mga Partido at religious blocks, dahil karamihan ng mga botante ay nagsarili at sa impluwensya ng pamilya o ng kanilang kumpanya.
Nang tanungin ko siya kung ano ang pagbabatayan ng pinal na desisyon ng mga botante, sinabi niyang malaking porsyento nito’y kukunin sa impluwensya ng telebisyon at ang iba ay sa “social media”.
Sa ngayon kasi, nagsisimula pa lamang ang mga pag-ikut-ikot ng mga kandidato sa ibat ibang rehiyon kung saan ang kanilang mga “messaging” ay binabaon sa isipan ng marami. Noong 2016 elections, ang kandidatong mayor Rodrigo Duterte ay umikot dala ang mensaheng wakasan ang problema ng “illegal drugs”, kriminalidad at corruption sa kanyang “listening tours”. Kumonekta ang kanyang mensahe kahit pa kontrobersyal ang mga sinabi niya tungkol kay Santo Papa o kaya’y pagiging bastos sa entablado. At sinemento niya ito sa kanyang performance sa naganap na presidential debates sa Cebu.
Pero iba ang sitwasyon ngayon at iba na rin ang prayoridad ng taumbayan. Ayon sa mga polls surveys, ang sampung pangunahing isyung dapat lutasin ay ang mga sumusunod: inflation, taasan ang sweldo, COVID-19, kahirapan, graft and corruption, trabaho, ayuda, pantay-pantay na law enforcement, kapayapaan, at krimen. Kung susuriin, lima rito ay kabuhayan ng taumbayan. Sa taas ng presyo ng mga bilihin, trabaho, lalong humihirap ang buhay at kailangan nila ng ayuda sa gobyerno.
Hindi lubusang prayoridad ang isyu sa West Philippine Sea, taxes, environment o climate change,o maging kapakanan ng mga OFWS.
Ayon pa kay Dr.Holmes, hindi magandang political strategy ang paninira sa kapwa kandidato. Ayon sa kanilang pag-aaral, ayaw ng mga botante ang kandidatong namemersonal sa kalaban. “Nababawasan ang kanyang boto at napupunta pa ito sa kanyang sinisiraan, o kung hindi naman ay sa ibang kandidato.
Naniniwala si Dr. Holmes na may mangyayaring “lipatan” ng mga botante depende sa mga lilitaw na “isyu” o kontrobersya sa mga susunod na araw.
Susuriin din ang mga campaign slogan na kung mapapansin ay pabagu-bago rin ang ilan. “Sama-sama tayong babangon muli”, sabi ni Bongbong”. Tayo si Isko-Bilis Kilos Tunay na solusyon, mabilis umaksyon, sabi naman ni Moreno. Aayusin ang Gobyerno, aayusin ang buhay mo, sabi ni Ping. Ang kay Pacquiao ay “Man of Destiny-For God and Country”, samantalang ang kay VP Leni ay Husay at Tibay, Gobyernong tapat, angat buhay lahat at Kulay rosas ang Bukas.
Lahat ng ito’y susukatin ng mga botante at hahanapin ang mga detalye kung paano ito magkakatotoo. Alam niyo naman, panahon ito ng panunuyo, pakikiusap, pakikinig ng mga kandidatong ito . Kapag natapos ang eleksyon, balewala na naman tayo sa mga pulitiko. Kayat pumili tayong maigi.
Batay sa mga forecast models sa nakaraang pre-election surveys at sa mga mangyayari ngayon, magkakatalo ang eleksyon na ang mananalo ay may kabuuang 36 percent winning votes o 21.6 million votes at may kalamangang 6 percent (projected 3.6M votes) sa pangalawang pwesto. Kung sino ang dalawang ito, walang nakakaalam.
Ang maliwanag lamang , ang kasalukuyang 54-60 percent na pre-election preference kay Bongbong ay bubulusok pababa sa mga susunod na araw.
Kung paano at bakit mangyayari, panoorin natin at bantayang maigi.