Sa gitna ng kaliwa’t kanang batikos, mistulang nakahanap ng kakampi ang Commission on Elections (Comelec) sa “Oplan Baklas” sa campaign posters ng mga kandidato sa eleksyon sa Mayo 2022.
Ayon kay PROMDI presidential candidate Senador Manny Pacquiao, may sapat na basehan ang Comelec para baklasin ang campaign posters.
Hindi naman aniya bobo ang Comelec na basta na lamang magbabaklas ng campaign posters.
“Alam nyo sa totoo lang hindi naman bobo ang Comelec. Hindi naman ‘yan sila magbabaklas kung sumusunod ka sa law. Sumusunod ka sa rules. At binabaklas nila dahil lumalabag ka. So ‘yun ‘yung dahilan nun bakit sila bumabaklas. So kung ano man ‘yung maging, may reason tayo, bakit sila magrereklamo,” pahayag ni Pacquiao.
Sinabi pa ni Pacquiao na hindi rin naman siraulo ang Comelec.
Walang balak si Pacquiao na kasuhan ang Comelec sakaling tanggalin ang kanyang campaign posters.
“Kung tanggalin ng Comelec may dahilan. Ang Comelec hindi nagtatanggal ng walang dahilan. Kung lumabag ka, eh di tanggalin nila. Kung di ka lumabag, di nila tatanggalin. Di naman siguro sila siraulo,” pahayag ni Pacquiao.
Pero ibang usapan na aniya kung sa pribadong lugar nakalagay ang campaign posters.
“Kung private property, karapatan siguro nung may-ari, kung may-ari ang naglagay. Pero kung dun na ilagay sa kumbaga, business, kung andyan sa mga tarpaulin sa EDSA business yun eh, hindi naman yun sabihin mo na private. Kung sa bahay lang yan, sa building yan na hindi usually nilalagyan ng tarpaulin tapos naglagay ka ng malaki kahit gaano pa kalaki eh walang pakialam ang Comelec dun. Pero kung andyan sa EDSA na yan, siguro isipin din natin na yan ay business yan eh. Nakuha nyo ibig sabihin ko?” pahayag ni Pacquiao.
Matatandaang ilang kandidato na ang pumalag sa ginawang pagbabaklas ng Comelec sa campaign posters na nakapaskil sa iba’t ibang lugar.