Bigo ang pamahalaan na maabot ang target na mabakunahan ang limang milyong katao sa “Bayanihan, Bakunahan 3”.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, umabot lamang sa 3.5 milyon ang nabakunahan sa ikatlong sigwada.
Ginawa ang “Bayanihan, Bakunahan 3” noong Pebrero 10 hanggang 11 pero pinalawig ng hanggang Pebrero 18.
Ayon kay Vergeire, isa sa mga dahilan kung kaya hindi naabot ang target dahil kulang ang health workers.
Marami kasi aniya sa health workers ay abala rin sa pagbakuna kontra COVID-19 sa mga bata.
Pag-amin ni Vergeire, maaring kinakailangang mag-restrategize ng pamahalaan para mapalawak pa ang pagbabakuna.
“Sa tingin po natin because some of our regions medyo mataas na rin po ang antas ng pagbabakuna, so nakita po natin na talagang kailangan po natin suyurin,” pahayag ni Vergeire.
“Ibig sabihin the strategy would be magbabahay-bahay, puntahan ang malalayong lugar. Baka ito na ang susunod natin na intervention para sa ating pagbabakuna,” dagdag ni Vergeire.
Nasa 62.3 milyong katao na ang nabakunahan na sa bansa.