Patuloy ang pagbaba ng COVID-19 positivity rates at average daily attack rate (ADAR) sa National Capital Region (NCR) at Calabarzon, ayon sa OCTA Research.
“The positivity rates and ADAR in the NCR and Calabarzon continued to decrease as all provinces had less than 10-percent positivity rate as of February 15,” saad ni OCTA Research fellow Guido David sa kaniyang Twitter account.
Dahil dito, nasa ‘low risk’ classification na aniya ang NCR, Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, at maging ang Batangas.
Ayon kay David, sa Metro Manila, bumaba sa 3.45 ang ADAR, anim na porsyento ang positivity rate, habang nanatili namang ‘very low’ ang reproduction number sa 0.20 at healthcare utilization rate sa 26 porsyento.
Nakapagtala ang Batangas ng -59 percent na one-week growth rate sa mga kaso, -51 percent sa Cavite, -60 percent sa Laguna, -58 percent sa Quezon, at -39 percent sa Rizal.
Sa huling datos ng Department of Health (DOH) hanggang February 17, nasa 66,588 pa ang bilang ng aktibong kaso sa Pilipinas.