Tatlong PAF personnel na namatay sa aksidente sa EDSA, nakilala na

Galing sa isang selebrasyon ang tatlong tauhan ng Philippine Air Force (PAF) na namatay sa aksidente sa EDSA, Quezon City Biyernes ng madaling araw (February 18).

Ito ay base sa paunang ulat mula sa Quezon City Traffic Enforcement Unit.

Kinilala na rin ang mga nasawi na sina A1C Angelo Sabado, A1C Aaron Tabarle at A1C Kyle Velasco, pawang nakatalaga sa Villanor Air Base sa Pasay City.

Samantala ang nakaligtas ay si A2C Manuel Ognes, ang nagmamaneho ng Honda City (NDR 7213).

Sinabi ni Ognes na galing sila sa selebrasyon ng kanilang batch at pabalik na ng kanilang base nang bumangga sila sa mga hilera ng concrete barriers.

Isang motorista ang tumulong sa kanya na makalabas at nang babalikan niya ang kanyang mga kasama ay biglang nagliyab ang kanilang sasakyan.

Read more...