Mga sari-sari store na nagbebenta ng pekeng gamot, ipinaaaresto

PCOO photo

Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na pagtibayin ang mga ipinatutupad na ordinansa ukol sa pagbebenta ng mga gamot sa sari-sari store sa bansa.

Kasabay nito, ipinag-utos ni DILG Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang mga lalabag na nagpupumilit pa rin sa pagbebenta ng gamot, lalo na ang mga pekeng gamot.

“LGUs should protect the health and general welfare of their constituents. We, therefore, urge LGUs to ensure that sari-sari stores within their jurisdictions are not selling any medicine because under the law, hindi sila autorisado,” ani Año.

Dagdag ng kalihim, “Inatasan din natin ang PNP na siguruhing hindi nagbebenta ng gamot ang mga sari-sari store at arestuhin ang sumusuway sa batas lalo na iyong mga naglalako ng pekeng gamot.”

Sa ilalim ng Section 30 ng Republic Act 10918 o Philippine Pharmacy Act, nakasaad na tanging Food and Drug Administration (FDA)-licensed retail drug outlets o pharmacies lamang ang maaring magbenta ng gamot sa publiko.

Nagpahiwatig si Año ng suporta sa FDA sa pamamagitan ng paglalabas ng Memorandum Circular (MC) sa mga LGU upang mahinto ang pagbebenta ng mga gamot sa mga sari-sari store at iba pang outlet na walang FDA authorization.

“Sisiguraduhin natin na aaksyunan ito ng ating mga LGUs at ng ating kapulisan dahil kalusugan at kapakanan ng ating mga kababayan ang nakataya rito,” saad ng kalihim.

Samantala, hinikayat naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya ang publiko na bumili ng gamot sa mga awtorisadong drug store at pharmacy.

“Nakakatakot at delikado ang fake medicines, lalo’t nasa gitna pa rin tayo ng pandemya. Kaya naman nais kong bigyang-diin na kapag bibili tayo ng kahit anong medisina, napakaimportante na doon lamang tayo sa tiyak na mula sa legal manufacturers,” ani Malaya

Dagdag nito, “Mere possession of counterfeit drugs is a punishable act under the law. We only want what’s best and safe for the public.”

Read more...