Kinatigan ni National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Ted Herbosa ang pahayag ni vaccine czar Carlito Galvez na maaring hindi na mandatory ang pagsusuot ng face mask sa mga bukas na lugar sa ikaapat na quarter ng taong 2022.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Herbosa na inaasahang papalo na sa 90 milyong Filipino ang mababakunahan kontra COVID-19 sa huling yugto ng 2022.
“Naintindihan ko iyong polisiya na by the fourth quarter, sapagkat by that time kung 90 million Filipinos ay fully-vaccinated, that’s already 90% of ng ating populasyon, ay i-add mo pa diyan iyong mga nagka-COVID na hindi pa nabakunahan, so marami-rami na rin ang may antibody at proteksiyon. So, malamang, matanggal nga iyan kung talagang protected na ang karamihang Filipino,” pahayag ni Herbosa.
Gayunman, sinabi ni Herbosa na kailangang maging mapagmatyag pa rin sa posibilidad na may lumutang na bagong variant ng COVID-19.
“Although may mga features pa tayo na dapat bantayan. Number 1, iyong paglabas ng mga bagong variant; number 2, iyong pag-wane ng mga antibodies ng isang taong matagal nang nabakunahan or matagal nang nagkaroon ng infection. So, alam natin na bumababa din. So iyan ang magandang pag-usapan at iimplimenta pero kailangan mag-ingat din talaga tayo para magsuot pa rin tayo ng mga mask sa enclosed spaces or iyong mga high risk na lugar. Palagay ko sa open air, puwede na tayong hindi mag-mask, kung sakaling malaki sa population ay fully-vaccinated,” pahayag ni Herbosa.