Ito ay para maayudahan ang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Energy Assistant Director Rodela Romero na nakikipag-ugnayan na ang kanilang hanay sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ibalik ang Pantawid Pasada Program.
“Mayroon po tayong mga temporary relief na ginagawa as far as public utility vehicles or transport sector is concerned. Iyon po, nakikipag-coordination na po tayo kay DOTr, LTFRB para mag-implement ulit o i-propose ulit iyong Pantawid Pasada Program na may pondo naman po sila. So malaking tulong din iyon para maibsan kahit papaano iyong bigat na nadarama sa sunud-sunod na pagtaas,” pahayag ni Romero.
Sa ilalim ng Pantawid Pasada Program na ipinatupad noong 2021, nakatanggap ang bawat operator ng P7,200 na ayuda.
Sinabi pa ni Romero na iminungkahi na rin ng DOE na pansamantalang suspindehin ang excise tax sa produktong petrolyo.
“May proposal po sa nakaraang mga technical working groups ang Department of Energy na iyon nga po, kung temporarily baka puwedeng i-suspend po. Pero nandoon na po iyon sa Congress, at pinag-aaral,” pahayag ni Romero.
Ayon kay Romero, kaya tumaas ang presyo ng produktong petrolyo dahil sa nangyayaring tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.