Bukas ang Commission on Elections (Comelec) na baguhin ang inilabas nilang campaign guidelines para sa mga kandidato sa national at local elections.
Sinabi ni acting Comelec Chairperson Socorro Inting naiintindihan nila ang mga reklamo ng mga kandidato ukol sa mga alintuntunin sa pangangampaniya.
Paliwanag lamang nito, ginawa nila ang guidelines kasabay nang pag-iral ng Alert Level 3 sa maraming lugar sa bansa.
Kayat aniya ikinukunsidera nila na pag-usapan ang mga maaring baguhin sa campaign guidelines.
Sinabi naman ni Comelec spokesman James Jimenez kung babaguhin ang guidelines ito ay ibabase pa rin nila sa guidelines ng Inter Agency Task Force (IATF).
Samantala, nakipagkasundo ang Comelec sa Vote Pilipinas sa layuning marami ang mahikayat pang bumuto sa nalalapit na eleksyon.
Sinabi ni Vote Pilipinas founder Ces Rondario magsasagawa sila ng voter’s education campaign at layon ng kanilang grupo na madagdagan ng 10 porsiyento ang mga boboto sa Mayo.
Sa Pebrero 28, ayon pa kay Rondario, ay maglalabas sila ng profile candidate dashboard ng mga kandidato sa pagka-pangulo, pagka-pangalawang pangulo at partylist groups para sa mas bago, totoo at detalyadong impormasyon.