Nakiusap si Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa mga tagasuporta nito na huwag nang makipag-away dahil ‘panalo na tayo.’
Sa isang event matapos ang thanksgiving mass sa Ateneo De Manila University, humarap si Robredo sa mga supporter nito para sa isang mahalagang announcement.
Ayon kay Boyet Dy, na mula sa kampo nioRobredo, wagi ng 24,341 na boto ang Lady Solon kontra kay Senador Bongbong Marcos sa Vice Presidential derby.
Ang naturang bilang ay batay umano sa numbero ng registered voters sa siyam na munisipalidad, na hindi pa nakapagta-transmit ng kani-kanilang certificates of canvass.
Kaya kumpiyansa ang kampo nito na wala nang makakapigil kay Robredo at siya ang magiging pangalawang pangulo, lalo’t “mathematically impossible” na para kay Marcos na mahabol ang numbero ng Liberal Party VP candidate.
Nang sumalang sa entablado si Robredo, iginiit nito na hinding-hindi niya hahayaan na maging instrumento siya ng pandaraya, na mistulang patama sa kalaban.
Pero aniya, “ang eleksyon na ito ay maraming sama ng loob at kasiyahan. Pero ito na yung panahong kailangang mag-move on na tayo para sa bayan.”
Nagbiro pa si Robredo hinggil sa umano’y Plan B, subalit aniya “sabi ng staff ko, baka ang Plan B ko yung bangs ko.”
Kinalauna’y sinabi nito na suportahan ang bagong Pangulo, si Rodrigo Duterte, at ipagdasal na magampanan niya ang tungkulin sa bansa.
Higit sa lahat, ani Robredo sa publiko, “damayan niyo po ako sa bago kong obligasyon.”