Bunsod ito ng umano’y hindi pagbabayad ng kuryente na umabot na sa mahigit P4 milyon.
Isinagawa ang pagputol ng suplay ng kuryente sa engineering department dakong 1:15 ng hapon.
Mayroon pa itong marka na nagsasaad ng ‘delinquent consumer’ at nilagdaan nina Quezelco 1 officials Magene R. Grefalda, Finance Manager at acting General Manager Victor Cada.
Noong January 6, nagsulat si dating board member at Quezelco 1 legal counsel Atty. Frumencio ‘Sonny’ Fulgar ng demand letter na naka-address kay Quezon Governor Danilo Suarez.
Isinaad nito sa sulat na dapat ng magbayad ang gobernador ng naturang obligasyon sa loob ng limang araw, “otherwise we shall initiate the appropriate administrative, civil, and criminal actions against you protective of our said client’s interest.”
Ayon pa sa liham, may kabuuang utang na P4,530,276.09 ang naturang Suarez facility sa Q1ECI hanggang January 12.
Ayon pa kay Fulgar, sinasabi umano ng gobyerno na ang mga kinunsumong kuryente ng Fin Fish Hatchery (FFH) ay sakop ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Bilang tugon sa hindi pagbabayad ng utang sa kuryente ng naturang pasilidad, sinulatan ni Victor Cada si Allan Castillo, provincial official-in-charge ng BFAR sa Lucena City, noong January 4 upang humingi ng kumpirmasyon at mga dokumento na magpapatunay na ang naturang hatchery ay inendorso o nasa ilalim ng BFAR.
Noong January 7, sinagot ni Castillo na hindi responsibilidad ng BFAR ang Unisan Multi-Species Hatchery account para sa buwan ng March 2020 hanggang November 2021, gayundin ang mga kinukunsumong kuryente ng pasilidad.
“Based on our agreement, only security guard services have been secured and paid by the office since 2011. Further, based on our records, no endorsement for said assumption of payment for electrical consumption was made by both parties,” pahayag nito.
Sumulat din si Cada sa pamunuan ng FFH noong December 7, 2021, para ipagbigay-alam ang hindi nabayarang bills ng kuryente.
Kasama sa lihan ang listahan ng unpaid electricity bills simula March 2020 hanggang November 2021, kabilang ang kahilingang bayaran ang kabuuang utang sa lalong madaling panahon dahil kung hindi ay puputulin ito.