Nasa 51 porsyento ng mga Filipino ang naniniwalang matatapos na ang krisis dulot ng COVID-19 sa Pilipinas sa taong 2022.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), 29 porsyento ang sumagot na “anim na buwan mula ngayon” at 23 porsyento naman ang “isang taon mula ngayon.”
Lumabas din sa survey na 45 porsyento sa adult Filipinos ang tiwalang matatapos ang krisis pagkatapos ng taong 2022 habang apat na porsyento naman ang sumagot ng “don’t know o refused.”
Pinakamaraming Filipino na nagsabing tiwalang matatapos ang krisis sa COVID-19 sa taong 2022 sa Mindanao (62 porsyento); sumunod ang Balance Luzon (51 porsyento); Metro Manila (49 porsyento); at Visayas (41 porsyento).
Samantala, humingi rin ng opinyon ang naturang survey ukol sa tatlong panukala at polisiya para sa nakahahawang sakit.
Sa salaysay na “It is only right to enact into law the proposal of Pres. Duterte to compel all Filipinos to get vaccinated against COVID-19,” 51 porsyento ang sumang-ayon, 17 porsyento ang hindi desidido, at 31 porsyento ang hindi sumang-ayon.
51 porsyento naman sa mga Filipino ang pabor sa salaysay na “It is only right that unvaccinated employees are not allowed to report for work until they give a negative RT-PCR test result every two weeks,” 14 porsyento ang hindi desidido, habang 35 porsyento ang hindi pabor.
Nang tanungin naman tungkol sa salaysay na “It is only right that people who are not vaccinated against COVID-19 cannot dine-in inside the restaurants,” 49 porsyento ang sang-ayon, 14 porsyento ang hindi desidido, at 36 porsyento ang hindi sang-ayon.
Isinagawa ang Fourth Quarter 2021 survey sa 1,440 adults sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa buong bansa mula December 12 hanggang 16, 2021.
Ang naturang survey ay may sampling error margins na ±2.6% para sa national percentages at ±5.2% naman sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao.