LGUs dapat sumunod sa IATF guidelines ukol sa pagbisita ng mga banyagang biyahero

Pinaalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan na sumunod sa polisiya ng Inter Agency Task Force (IATF) ukol sa pagpapasok ng mga hindi pa bakunadong banyaga.

Ginawa ng kagawaran ang paalala matapos pumayag ang pamahalaang-lalawigan ng Cebu na tanggapin ang ‘unvaccinated foreign travelers’ simula sa Marso 1.

Ayon kay DOH spokesperson Ma. Rosario Vergeire dapat ay kinonsulta ng pamahalaang-panglalawigan ang IATF bago inilabas ang polisiya.

“Let me just remind all local government ‘yung mga binabalangkas na mga panukala o protocols ng IATF, ito ay isang mandato sa bawat isa sa LGUs na sumunod dahil kailangan yung protocols natin ipatutupad nationally so we can continuously protect our borders and we can prevent the further transmission of disease,” sabi ni Vergeire.

Sa direktiba ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, kinakailangan lamang na may negative swab test result na lumabas na nakalipas na 48 oras ang banyaga kahit ito ay unvaccinated o partially vaccinated.

Sila ay sasailalim muli sa swab test sa Mactan-Cebu International Airport at sasailalim sa facility-based quarantine bago muling sasailalim sa swab test sa ika-limang araw.

Ayon naman kay DILG spokesman Jonathan Malaya kakausapin nila si Garcia hinggil sa direktiba nito.

Read more...