Ngayon taon may higit P5 trilyon pondo ang gobyerno, ayon kay vice presidential aspirant Francis Pangilinan, at dapat ay maramdaman ito ng taumbayan.
Partikular na nabanggit ni Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) na dapat ay pinaiigting ang kanilang mga programa para makalikha ng mga trabaho.
“Dapat taumbayan ang makikinabang, hindi ibubulsa ng iilan habang milyon-milyon sa ating mga kababayan ang walang makain at walang trabaho,” diin nito.
Dagdag pa ni Pangilinan; “Dapat maramdaman ng mga magsasaka at mangingisda ang budget ng bayan.”
Ang pahayag nito ay base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na hanggang noong nakaraang Disyembre, may 3.27 milyong Filipino na nasa edad 15 pataas ang walang trabaho.
Nangangahulugan ito ng 6.6 percent unemployment rate at mas mataas ng higit 100,000 kumpara sa sinundan na buwan ng Nobyembre.
Puna pa ni Pangilinan milyong-milyong Filipino ang wala pa rin trabaho kahit nagluwag na sa mga paghihigpit ang gobyerno sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya.