Hinimok ni Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe si Senador Bongbong Marcos na mag-concede na para kay Congresswoman at Vice Presidential race frontrunner Leni Robredo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Batocabe na ang pinakamainam na gawin ngayon ni Marcos ay irespeto ang resulta ng halalan at ibigay na sa tunay na nanalo ang pwesto sa pagka-pangalawang Pangulo ng bansa, at ito ay si Robredo.
“Huwag nang bigyan ng bahid. Mag-concede na para hindi na magkagulo,” ani Botacabe kay Marcos.
Sinabi ng Mambabatas na marapat tularan ang ilang mga kandidato sa pagka-Bise Presidente na nag-concede na, pero hindi naman nagsabing nadaya sila.
Nauna nang nag-concede ang Vice Presidential candidates na sina Senador Francis Escudero, Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes at Gringo Honasan.
Para pa kay Batocabe, walang naganap na dayaan at tama umano ang bilangan, batay na rin sa Commission on Elections o Comelec at Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPRCV.
Naniniwala naman ng Kongresista na sa pangkalahatan, hindi lamang si Robredo ang nagwagi, kundi ang buong demokratikong proseso ng halalan.
Ito aniya’y dahil “nagawa ang eleksyon nang malinis, walang away, matahimik at nai-pasa ang liderato ang pwesto nang walang gulo.”