Ang responsibilidad naman bilang magulang ang ginawa ni reelectionist Senator Joel Villanueva ngayon araw nang samahan nito ang mga anak sa pagpapabakuna ng COVID 19 vaccine sa San Juan City.
Sinabi nito na tulad ng lahat ng mga magulang ang kaligtasan lamang ng kanyang anak ang kanyang hangad.
“Naniniwala ako sa vaccination, naniniwala po ako na makakatulong ito sa ating mga anak, makakatulong ito sa pamayanan. Hindi lang para sa kanilang sarili at pamilya kundi pati sa komunidad nila,” sabi ng senador.
Samantala, inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na 52,262 bata na edad lima hanggang 11 ang nakatanggap na ng kanilang first dose ng Pfizer COVID 19 vaccine.
Ang bilang, ayon kay DOH spokesperson Ma. Rosario Vergeire, ay mula sa 52 vaccination sites.
Ibinahagi pa nito na apat na bata lamang ang naiulat na nakaranas ng ‘non serious reactions’ matapos mabakunahan.
Sa unang araw ng bakunahan noong Lunes, higit 7,400 ang naturukan na mga bata.
Ang pediatric vaccination ay sinuportahan ng Department of Education bilang paghahanda na rin sa maaring pagbabalik na ng face-to-face classes.