Karagdagang anim na buwan na validity ng lisensiya ng mga jeepney at tricycle ang inihirit ng PASAHERO Partylist sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO).
Nagtungo sina PASAHERO Partylist founders Allan Yap at Robert Nazal sa tanggapan ni LTO chief, ASec. Edgar Galvante para iabot ang liham na naglalaman ng kanilang kahilingan.
Ayon sa dalawa, laman ng liham ang mga kahilingan at hinaing ng mga miyembro ng tricycle drivers and operators associations at jeepney drivers sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Katuwiran ni Yap labis-labis na paghihirap na ang dinaranas ng mga tricycle at jeepney drivers dahil sa pandemya.
“Walang kaduda-duda, silang mga tricycle drivers talaga ang pinaka-hinagupit ng pandemyang ito. Patung-patong na hirap. Humina ang kanilang pasada, tumaas ang presyo ng langis pero wala silang natanggap na ayuda mula sa national government at sa kabila nito, hindi naman tumaas ang kanilang singil sa pamasahe,” diin nito.
Dagdag pa ni Yap malaking tulong ang anim na buwan na pagpapalawig sa bisa ng lisensiya ng mga tricycle at jeepney drivers, gayundin ang rehistro ng mga sasakyang gamit sa kanilang kabuhayan.
Sabi pa nito, ang kanilang kahilingan ay mula sa ginawa nilang mga pakikipag-diyalogo sa mga drivers at operators.
Nais din nila na maisaayos pa ang license testing ng mga tricycle driver at ang pagrepaso sa special fee na sinisingil sa kanila.
Unang inindorso ng NCR TODA Coalition, na may libo-libong miyembro sa Metro Manila, ang PASAHERO para sa nalalapit na eleksyon.