Pormal na inilunsad ni House Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda ang kaniyang kampanya para sa pagtakbo sa pagka-senador sa naturang bayan, February 8.
Inihayag ng three-term senator na nais niyang tutukan ang paglikha ng trabaho at green pandemic recovery ng bawat pamilyang Filipino sakaling mahalal muli bilang senador.
Aniya, isa kasi sa malaking problema na dapat tugunan ng gobyerno ang kawalan ng trabaho ng mga Filipino.
Nais ng mambabatas na mapalakas ang government interventions sa pagbibigay ng pag-asa, lalo sa mahihirap na Filipino at makapagbigay ng sapat na tulong para makabangon mula sa krisis ng pandemya.
Sa loob ng tatlong taon bilang kongresista, binanggit ni Legarda na nadala niya sa “golden age” ang Antique sa pamamagitan ng pagbuo ng mga programa at proyekto na malapit sa puso ng residente.
Gusto niya ring maisagawa ito sa iba pang mga probinsya sa bansa, sakaling mabigyan ng pagkakataong makabalik sa Senado.
Sa gitna ng pandemya at dumaang bagyong Odette, nabigyan ng tulong ang mga residente ng Antique at iba pang lugar sa Visayas at Mindanao, tulad ng DOLE-TUPAD, GIP and Pangkabuhayan, DTI Shared Service Facilities (SSF), DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), DOH Medical Assistance to Indigent Program (MAIP), DOST Community Empowerment thru Science & Technology (CEST), at DSWD Sustainable Livelihood Program (SLP).
Nabigyan din ng mga binhi at abono sa mga magsasaka at mga fiber glass na bangka sa mga mangingisda sa tulong ng Department of Agriculture (DA).
Naging katuwang Din ni Legarda ang Department of Health (DOH) sa pamimigay ng COVID-19 PPEs at mga bakuna gayundin, ang upgrading ng ilang health facilities sa Antique at iba pang probinsya.