Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni FDA OIC Dir. Oscar Gutierrez na nagsagawa ang ahensya ng operasyon sa mga sari-sari store.
Nasa 50 sari-sari store ang nahulihan ng mga pekeng gamot, kasama ang 19 na iba’t ibang gamot na ginagamit para sa paggaling ng sintomas ng COVID-19, kabilang ang paracetamol.
Ani Gutierrez, ang mga nahuling sari-sari store ay nasa Cavite, Albay, Laguna, Caloocan, Quezon City, at Parañaque.
“Patuloy pa rin po kaming nangangalap ng mga report galing sa regional field offices,” pahayag nito.
Sinabi rin nito na sa ngayon, ang mga FDA-licensed establishment na may permit na kumuha ng mga online order ang pinapayagang makapagbenta ng gamot online.
Tinatalakay na aniya ito at mayroon nang binubuong panuntunan para sa e-pharmacy.