Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Adviser Dr. Ted Herbosa na target makapagbigay ng limang milyong doses ng COVID-19 sa two-day national vaccination program.
“Ang target na isinet ng ating vaccine czar Secretary Carlito Galvez ay makagawa tayo ng five million doses na maibakuna natin ngayon at bukas. So siguro mga 2.5 million ngayon at 2.5 million bukas,” ani Herbosa.
Mahigit 12,000 vaccination sites aniya ang nakilahok sa pagbabakuna, kasama ang mga botika na bahagi ng ‘Resbakuna sa Botika’, mga eskweluhan at lokal na pamahalaan na may vaccination sites.
“Hopefully ma-attain natin ‘yung target na ‘yun, ‘yung five million. Sana nga umabot pa ng six million,” dagdag nito.
Mahalaga aniyang maabot sa March 31, 2022 ang target ng gobyerno na maging fully vaccinated laban sa nakahahawang sakit ang mahigit 70 milyong indibiduwal o 70 porsyento ng kabuuang populasyon sa bansa.
Kasunod nito, sinabi ni Herbosa na maaring palawigin ang ikatlong ‘Bayanihan, Bakunahan’ program.
“Habang may bakuna, pwede namang mag-extend ang LGU kung marami pa sa ating mga kababayan ang gustong makakuha ng bakuna,”
Tuluy-tuloy naman aniya ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 18 taong gulang pababa, at maging ang pagbibigay ng booster shot.
Tatagal ang ikatlong National Vaccination Days simula sa February 10 hanggang 11, 2022.