Muling pagbubukas ng bansa sa foreign tourists, makatutulong sa pagpapasigla ng turismo sa bansa

Malay Tourism Office Facebook photo

Handa ang Department of Tourism (DOT) sa muling pagbubukas ng border ng Pilipinas para sa mga dayuhang turista na fully vaccinated laban sa COVID-19.

“Matagal na tayong ready. Noong March 2020 pa lamang, naka-implement na lahat ng ating health and safety protocols sa lahat ng mga hotel. Kinakausap natin lahat ng mga LGU kaya handang-handa na tayo,” saad ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa Laging Handa public briefing.

Inaasahan aniyang makatutulong ang muling pagbubukas ng bansa para mapasigla muli ang turismo sa bansa.

Ayon sa kalihim, target ng kagawaran ang mga turista mula sa Korea, katabing Asian countries, at mga balikbayan mula sa Amerika.

Kadalasan aniyang pinupuntahan ng foreign tourists ang Boracay, Baguio City, Palawan, Batangas at iba pa.

Kasabay nito, sinabi ni Romulo-Puyat na bumuo ang kagawawan ng domestic tourism circuit upang malaman kung ano ang mga hinahanap ng mga turista.

“Based sa mga survey na ginawa namin, gusto namin malaman kung ano iyong gusto ng mga turista, lalo na’t may COVID-19. Ang gusto nga daw nila ay open air, open space. So, mayroon kaming 70 domestic tourism circuit na dinevelop ng DOT kasama ng ating mga LGUs,” ayon sa kalihim.

Umaasa rin aniya ang kagawaran na gawing iisa na lamang at hindi kumplikado ang restrictions ng mga LGU upang maging mas madali ang pag-iikot sa bansa.

“Kung iikot man around the Philippines, sana ‘yung mga restrictions sa mga LGU, iisa na lang at hindi masyado kumplikado. So ‘yun lang naman ang gusto nila, ease of travel,” ani Romulo-Puyat.

Ipinaalala naman ng kalihim na sumunod pa rin sa minimum health and safety protocols.

Read more...