Taiwan nagbukas muli para sa mga manggagawang Filipino

Binuksan muli ng Taiwan ang kanilang teritoryo para sa mga banyagang manggagawa at ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) magandang balita ito sa 40,000 Filipino na nais makapag-trabaho sa ibang bansa.

Nabatid na noong nakaraang Lunes, Pebrero 7, inanunsiyo ng Central Epidemic Command Center ng Taiwan, na pinapayagan muli ang mga manggagawa mula sa Pilipinas, Vietnam, Indonesia at Thailand simula sa Pebrero 15.

Bahagi ito ng special program ng Taiwan para sa dahan-dahan na pagpasok ng mga banyagang manggagawa.

Noong Mayo 2021, isinara ng Taiwan ang kanilang pintuan sa mga banyagang manggagawa bunga ng pagsirit ng COVID 19 cases.

Nagtakda naman ng mga kondisyon ang Taiwan at ito ay dapat fully vaccinated ang foreign worker at kinakailangan nilang manatili sa isang hotel para sa 14-day quarantine period at karagdagang isang linggo na self monitoring period bago sila makakapag-trabaho.

Kailangan din na magpakita sila ng negatibong resulta ng RT-PCR test.

Pinasalamatan naman ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang Taiwan dahil sa pagtanggap sa mga manggagawang Filipino.

Read more...