Hindi natitibag ng mga rehas ang pagnanasa ni Senator Leila de Lima na ipaglaban sa kawalan ng hustisya at pang-aapi ang sambayanang Filipino.
Sa kanyang video message sa kick-off ng kampaniya ng tambalang Leni Robredo – Kiko Pangilinan sa Bicol, sinabi pa nito na hindi din siya mapapatahimik at hindi rin magiging hadlang sa kanyang kandidatura ang patuloy niyang pagkakakulong.
“May mga nagtatanong kung sa kabila ng lahat ng aking pinagdaanan, ay may lakas pa akong muling tumakbo. Ang aking walang pag-aalinlangang sagot: Opo, hindi ako natinag ng pagkakulong, at lalo pa ngang naging matatag at masigasig sa paglaban. Ipinakulong man nila ako, hindi nila kailanman nakulong ang aking paninindigan at hinding hindi nila kailanman maikukulong ang katotohanan na ako ay inosente,” sabi pa ni de Lima.
Ang tubong-Iriga City na senadora ay inaresto at nakakulong simula noong 2017.
“Patuloy man nila akong siraan at gawan ng fake news, tuloy ang aking laban. Hindi lamang para sa aking paglaya, kundi para sa paglaya ng ating bansa,” dagag pa nito.