Umabot sa 1.15 bilyong magkasamang scam at spam messages ang naharang ng Globe noong nakaraang taon.
Sa pahayag ng Globe, bukod pa dito ang 7,000 kahinahinalang mobile numbers at ito ay bahagi ng pinaigting na mga hakbang para protektahan ang kanilang subscribers.
Tinuldukan din ang mga aktibidades sa 2,000 social media accounts at phishing sites na ginagamit para makapanloko, magnakaw ng mga personal na impormasyon, maging pera.
Sa paggunita ng Safer Internet Day, nangako ang Globe na mas hihigpitan ang seguridad ng kanilang mga subscribers kasabay nang pakikiisa sa pagpapalaganap ng ligtas at mas responsableng paggamit ng mobile phones at teknolohiya.
“Mahalaga sa Globe ang proteksyon ng aming customers. Kaya naman lalo naming pinapalakas ang aming mga sistema at proseso para malabanan ang mga lumilitaw na hamon sa seguridad. Nakikipagtulungan din kami sa pribadong sektor para rito dahil hindi namin kayang lunasan ito na mag-isa,” sabi ni Anton Bonifacio, ang Chief Information Security Officer ng Globe.
Bilang tulong na rin sa publiko, regular na nagbibigay ang Globe ng mga impormasyon ukol sa cybersecurity at data privacy sa pamamagitan ng kanilang website, webinars at mass media.