2019 electoral protest laban kay Taguig City Mayor Lino Cayetano ibinasura

Sa basurahan na napunta ang electoral protest na inihain laban kay Taguig City Mayor Lino Cayetano na inihain ng nakalaban niya noong 2019 elections na si Arnel Cerafrica.

Sa resolusyon na inilabas kamakailan ng 2nd Division ng Commission on Elections, sinabi na walang konkretong basehan na may iregularidad na nangyari tulad ng vote buying, ballot shading, distribusyon ng sample ballot at maging ang aberya sa mga vote counting machines, na ikinakatuwiran ni Cerafrica na nagbigay ng panalo kay Cayetano.

Sa naganap na eleksyon, nakakuha ng 172,710 boto si Cayetano kontra sa 109,313 boto naman ang kay Cerafrica. Lumabas din na maging sa mga resulta sa mg presinto na iprinotesta ni Cerafrica, malinaw na si Cayetano ang nanalo sa bilang ng mga boto.

Sa pagbusisi ng Revision Committees ng Comelec, 16 boto lamang ang nadagdag kay Cerafrica na malayong-malayo sa kinakailangan niyang 12,680 kayat nagdesisyon na malabo na ituloy pa ang recount sa katuwiran na magsasayang lang ang lahat ng oras.

Sa darating na eleksyon sa Mayo, makakaharap naman ni ni Cerafrica sa mayoralty race si Rep. Lani Cayetano, na naging alkalde ng lungsod ng tatlong termino simula 2010.

Read more...