Iba pang grade level, pinayagan nang makalahok sa expansion ng face-to-face classes

Manila PIO photo

Pinayagan na ng Department of Education (DepEd) ang mga pampubliko at pribadong paaralan na isama ang iba pang grade level para makalahok sa pinalawak na face-to-face classes.

“With the expansion phase, we would like to give that opportunity and chance to the other grade levels so that mag-umpisa na yung setting of the consciousness among our learners and teachers na talagang time will come na talagang school-bahay ang learning at teaching process natin,” pahayag ni Education Assistant Secretary Malcolm Garma.

Aniya, depende pa rin sa kapasidad ng mga kwapilikadong paaralan ang pagsama ng iba pang grade level para masigurong nasusunod ang health at safety protocols.

“It’s really up to the schools, our divisions, and regions to make that right programming, the right combination of what grade levels can be included in the expanded limited face to face,” dagdag nito.

Ani Garma, ang mga nabakunahang guro lamang ang maaaring lumahok sa expanded face-to-face classes habang ang mga bakunadong mag-aaral naman ang hinihikayat.

Sinabi naman ni OIC-Undersecretary for Human Resource and Development Wilfredo Cabral na hangga’t walang interaksyon sa mga mag-aaral at sa mga guro na nagtuturo sa mga silid-aralan, pwede pa ring mag-report onsite ang mga hindi pa nabakunahang guro at empleyado basta’t mayroong negatibong RT/PCR o antigen test.

Matatandaang tanging Kindergarten, Grade 1 hanggang 3, at Senior High School lamang ang pinapayagang lumahok sa pilot implementation ng face-to-face classes.

Base sa inilabas na “Interim Guidelines on the Expansion of Limited Face-to-Face Classes,” kailangang pumasa ang expansion schools sa School Safety Assessment Tool (SSAT), nasa lugar sa nakasailalim sa Alert Levels 1 at 2, may pahintulot mula sa lokal na pamahalaan at written consent ng mga magulang, at makikipag-ugnayan sa kani-kanilang barangay para sa implementasyon.

Sa pinakabagong datos ng DepEd, nasa 304 paaralan na nasa Alert Level 1 o 2 ang maaring magsimula ng face-to-face classes.

Read more...