Bumaba na sa 489 ang bilang ng mga lugar na nakasailalim sa granular lockdown sa bansa, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo na mas mababa na ang naturang bilang kumpara sa 1,036 lugar na naka-lockdown noong January 30.
Sa 489, 391 na lugar aniya ang nasa Cordillera region at sumunod ang 81 na lugar sa Cagayan Valley.
“The rest po ng ibang lugar ay mabababa na po ang bilang,” ani Fajardo.
Samantala, sinabi rin ni Fajardo na umabot na sa 97,336 nabigyan ng warning, habang 10,000 naman ang napatawan ng penalty dahil sa paglabag sa health protocols at restrictions sa mga lugar na nakasailalim sa granular lockdown.
Karamihan aniya rito ay naitala sa National Capital Region; higit 12,000 ang nabigyan ng babala at 3,600 ang nagbayad ng multa.