Asec. Galvante, Rep. Rodriguez nagkasagutan sa Kamara ukol sa ilang polisiya ng LTO

Nagkasagutan sina Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Edgar Galvante, at House Deputy Speaker at Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa pagdinig ng Kamara noong Miyerkules.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, tinalakay ang inihaing House Resolution ni Rodriguez na layong ipatigil sa mga motorista na kumuha ng Comprehensive Driver’s Education (CDE) certificate bago makapag-renew ng lisensya.

Paliwanag ng mambabatas, labag sa batas, dagdag-gastos, at perwisyo lamang ito sa mga motorista.

Kinwestyon din ng kongresista kung ano ang basehan ng LTO para bigyang kapangyarihan ang pribadong driving schools na mag-isyu ng CDE certificates, kung saan tila ginagawa na umano ng pribadong sektor ang mga tungkulin ng ahensya.

Kahalintulad aniya ito ng polisiyang nabuo ni Galvante na magpa-inspeksyon ng mga sasakyan sa Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) bago magparehistro.

Binanggit din nito ang P5,000 bayad dito.

Sagot naman ni ni Galvante, huwag siyang akusahan ukol sa mga ipinapatupad na polisiya ng ahensya.

Aniya, opsyonal pa rin ang PMVIC inspection habana ang CDE certificate, na libreng makukuha at maaaring i-access sa online portal ng LTO, ay alinsunod sa Section 23A ng Republic Act 10930.

Ipinigilan naman ni House Committee on Transportation Chairman Rep. Edgar Mary Sarmiento sina Rodriguez at Galvante dahil ginagawa aniya ang pagdinig para mabigyan ng linaw ang mga isyu.

Inatasan ng komite ang LTO na magsumite ng position paper tungkol sa isyu sa loob ng pitong araw bago maglabas ang Kamara ng isang resolusyon.

Read more...