Gumawa ng demand si Atty. Frumencio ‘Sonny’ Pulgar, legal counsel ng Quezon 1 Electric Cooperative, Inc. (Q1ECI), para kay Suarez na may petsang January 6, 2022.
Nakasaad sa nasabing liham na kailangang magbayad nito sa loob ng limang araw, “otherwise we shall initiate the appropriate administrative, civil, and criminal actions against you protective of our said client’s interest,” base rito.
Inilahad ni Pulgar sa liham na hanggang January 12, aabot sa P4,530,276.09 ang halaga ng pagkakautang sa Q1EC1 ng palaisdaan.
Maliban dito, ani Pulgar, sinasabi umano ng gobernador na nakasailalim sa account ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang konsumo ng Fin Fish Hatchery (FFH).
Noong January 4, nagpadala rin ng liham si Q1ECI acting general manager Victor Cada kay Allan Castillo, ang provincial officer-in-charge ng BFAR na nakabase sa Lucena city, ukol sa naturang unpaid balance ng fish facility.
Ani Cada, sinabihan siya ng gobernador na nasa ilalim ng BFAR ang naturang account. Bunsod nito, humiling ng kumpirmasyon at mga dokumento upang mapatunayan ito.
Sagot ni Castillo kay Cada noong January 7, hindi sagutin ng BFAR ang kunsumo ng kuryente sa naturang pasilidad.
“Based on our agreement, only security guard services is being secured and paid by the Office since 2011. Further, based on our records no endorsement for said assumption of payment for electrical consumption was made by both parties,” pahayag ni Castillo sa kanyang sagot kay Cada.
Labis naman ang pagkadismaya ni Pulgar sa hindi nababayarang electric bills.
“Quezelco 1 is now cash-strapped because of people like Gov. Suarez who use their government position to evade payment of power consumption while lowly consumers in the 3rd District are paying their electric bills or suffer disconnection,” saad nito.