Nararapat lamang na ibunyag ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang sinasabi niyang senador na dahilan kayat hindi pa nailalabas ang resolusyon sa disqualification case na inihain laban kay dating Senator Bongbong Marcos.
Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III sa katuwiran na ang lahat ng senador ay maaring pagsuspetsahan.
Sinabi pa ni Sotto na kung may mailalabas na katibayan, hihilingin niya sa Senate Committee on Ethics na busisiin ang alegasyon.
Sinegundahan naman ito ni Sen. Ronald dela Rosa.
“Sabihin ni Guanzon dapat kung sinong senator at ilahad niya ang ebidensiya para maliwanag sa lahat,” sabi ni dela Rosa.
Sa naunang panayam, ibinahagi ni Guanzon na isang pulitiko na hindi naman niya pinangalanan ang sinusubukan na impluwensiyahan ang desisyon sa petisyon na idiskuwalipika si Marcos.