Tiniyak ni Vice President Leni Robredo na kapag pinalad siyang mahalal na susunod na pangulo ng bansa bubuhusan niya ng pondo ang sistemang pang-edukasyon sa bansa.
Detalyadong inilatag ni Robredo sa isang voters education forum ang gagawin niyang mga hakbang para matugunan ang krisis sa edukasyon dulot ng pandemya.
“Kung ayaw nating maging kulelat ang mga mag-aaral, kailangan hindi rin kulelat ang budget para sa edukasyon. Sisiguraduhin nating hindi ito bababa sa 18 percent ng buong pondo ng gobyerno sa 2023. Itataas natin sa lagpas isang trilyong piso ang budget para dito pagdating sa 2024,” sabi pa ng presidential aspirant.
Gagawin aniya niya ito kapag naasikaso na ng tama ang mga pagtugon sa pandemya.
Nabanggit din niya na dapat ang pagbubukas muli ng mga paaralan ang isa sa mga aksyon na dapat nang gawin.
Dapat din aniya na buhusan ng suporta ang mga guro at mga opisyal ng eskuwelahan sa pagbuo nila ng istratehiya para sa ligtas na pagbibigay karunungan.