DOH, naglabas na ng panuntunan sa pediatric vaccination

Screengrab from PCOO’s Facebook video

Naglabas na ang Department of Health (DOH) ng mga panuntunan para sa ikakasang pediatric vaccination sa Metro Manila sa susunod na linggo.

Sa Palace press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na sisimulan ang pagbabakuna sa mga may edad lima hanggang 11 taong gulang sa February 4, 2022.

Pfizer-BioNTech aniya ang ituturok na bakuna sa mga bata dahil ito pa lamang ang nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) para sa pediatric population noong December 22, 2021.

Kahit pareho ang brand ng COVID-19 vaccine, nilinaw ni Vergeire na magkaiba ang formula nito upang masiguro na angkop ang maibibigay na bakuna.

Dalawang dose rin ang matatanggap ng bakuna ng pediatric population. May interval na tatlong linggo mula sa unang dose.

Tiniyak ni Vergeire na bihirang magkaroon ng adverse effect matapos ang immunization.

Gayunman, asahan pa rin aniyang makaranas ng mild reactions, tulad ng muscle aches, mababang lagnat, fatigue, sakit at pamamaga, at sakit ng ulo. Tatagal lamang aniya ang mild reactions ng dalawa hanggang tatlong araw.

Matapos magpabakuna, kailangan lamang magpahinga at uminom ng maraming tubig. Maari ring uminom ng Paracetamol ang bata at kung makakaramdam ng sintomas.

Payo naman ng DOH sa mga magulang, kumuha ng schedule sa kani-kanilang lokal na pamahalaan o sa pinakamaraming vaccination centers.

Ani Vergeire, narito ang mga panuntunan sa araw ng pagbabakuna:
– Kasama dapat ng bata ang magulang o guardian
– Magdala ng birth certificate, baptismal certificate, valid ID ng bata na may larawan, valid ID ng magulang o guardian na may larawan
– Kung hindi masasamahan ng magulang ang bata, dapat magdala ng Special Power of Attorney. Kung walang SPA, maaring ipakita ang notarized authorization letter o affidavit at barangay certification mula sa barangay captain

Hinikayat ng DOH na magparehistro muna bago pumunta sa vaccination center upang maiwasan ang overcrowding.

Read more...