Pagpapaaresto kay COVID 19-positive Rose Nono-Lin, ikinabahala ng kampo ng negosyante

Wala umanong basehan ang paratang na tinatakasan ni Quezon City 5th district Congressional candidate Rose Nono-Lin ang hearing sa Senate Blue Ribbon Committee.

Ito ang pag-alma ng kampo ng negosyante kasunod ng pagsama sa pangalan nito sa listahan ng mga na-cite in contempt dahil sa hindi niya pagdalo sa hearing sa Senado bilang witness sa Pharmally probe, araw ng Huwebes (January 27).

Ipinagtataka ni Atty. Alma Fernandez-Mallonga kung bakit kasama ang negosyante sa ipinaaaresto ni Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon kahit nag-abiso na si Lin na positibo ito sa COVID-19.

Batay sa resulta ng RT-PCR test ng 39-anyos na negosyante, nagpositibo ito sa virus noong Miyerkules, January 26. Pero Martes pa lamang ay hindi na nito sinipot ang kanyang mga event na paglilibot sa kanyang mga kababayan bilang kandidato sa pagka-kongresista sa Quezon City Fifth District.

Sabi ni Atty. Mallonga, bukod sa sertipikasyon ng kanyang family physician, sinuri rin ng isang espesyalista si Lin via teleconsult kaya’t nag-abiso ito sa committee tungkol sa kaniyang kalagayan.

Sa sitwasyon aniya ni Lin na COVID-positive ay pinayuhan ng kanyang doktor na mag-quarantine at magpahinga dahil nakakaramdam na rin ng pananakit ng tagiliran na posibleng may kinalaman sa abnormalidad sa colon at pamamaga ng kaniyang gallbladder.

Nababahala ang mga abogado ni Lin sa naging aksyon ni Gordon na nangunguna sana sa mas nakakaintindi sa kalagayan ng isang taong positibo sa COVID-19 dahil pinuno rin ito ng Philippine Red Cross (PRC).

Giit ni Atty. Mallonga, pitong beses at walang pagliliban na uma-attend ng pagdinig tuwing iimbitahan ang kanyang kliyente mula noong September 21 hanggang December 3, 2021.

Paliwanag ng kampo ni Lin, hindi ito nagpapalusot at wala siyang intensiyong balewalain o takasan ang paanyaya ng Senate Blue Ribbon pero ang kanyang hindi pagdalo nitong Huwebes ay dala ng medical condition na hindi na niya kontrolado.

Read more...