Humiling ng suporta ang Department of Education (DepEd) ukol sa pagpapalawak ng implementasyon ng limited face-to-face classes at pagbabakuna.
Sa kasagsagan ng pilot phase, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nasaksihan ang pagkakaisa upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.
“We believe we can duplicate and even double our efforts in our expansion and make face-to-face classes a possibility for all,” saad nito.
Sa EduAksyon Virtual Press Conference na pinangunahan ng DepEd-Region II, ibinahagi ni Undersecretary and Chief of Staff Nepomuceno Malaluan ang kahalagahan ng shared responsibility framework na ipinatupad sa pilot run at kung paano ito nakatulong sa pangkalahatang tagumpay ng programa.
“The framework of shared responsibility will continue and will be as aggressive as the pilot run. We will need help from our LGUs and the parents of the learners to make sure that this expansion will be as successful as our pilot,” aniya pa.
Ipagpapatuloy aniya ng kagawaran ang implementasyon ng framework, at pagsang-ayon ng lokal na pamahalaan at mga magulang bilang pangunahing kinakailangan para sa face-to-face classes.
Dagdag nito, tuloy din ang operational steps bilang paghahanda para sa pagpapalawak ng face-to-face classes, kabilang ang pagtukoy sa mga paaralang handa na para sa expansion sa Pebrero, katuwang ang Department of Health (DOH) ukol sa Alert Level updates.
Hindi kasi papayagan ang face-to-face classes sa mga lugar na nakasailalim sa Alert Level 3 at 4..
Samantala, muling iginiit ng DepEd na ang mga bakunadong guro at kawani lamang ang papayagang lumahok sa face-to-face classes.
Patuloy naman ang ugnayan ng DepEd at DOH para sa pediatric vaccination dahil vaccinated learners ang mas mabuti na sumali sa expansion.
“Since the government has announced the vaccination of school-aged children, participation of vaccinated learners is preferred so we are encouraging the continuous and aggressive vaccination of our students as an additional layer of safety precaution,” ani Malaluan.
Dahil boluntaryo ang pagbabakuna, nilinaw ng DepEd na hindi nila iminamandato sa mga kawani na mabakunahan dahil umiiral pa rin ang flexible work-from-home arrangement.
“Vaccination is a choice and at the same time, pinapahalagahan at pinoprotektahan natin ang kalusugan ng nakararami. DepEd has to take into consideration the welfare and health of our people, especially our learners,” pahayag ni Briones.