Mahahalagang panukalang batas para sa senior citizens umaarangkada sa Kamara

Malapit nang pumasa sa Mababang Kapulungan ang panukalang Geriatric Health Act, gayundin ang pag-amyenda sa Centenarians Act.

 

Sinabi ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na sa pamamagitan ng House Bill 10697 ay maipapatayo ang National Center for Geriatric Health and Research Institute sa Maynila.

 

Magiging malinaw din aniya ang kapangyarihan, mandato at mga iaalok na serbisyo na lubos na mapapakinabangan ng mga nakakatandang populasyon ng bansa.

 

“Different aspects of delivering health services to older adult patients ranging including training of health professionals, establishment of and technical assistance to geriatric specialty centers nationwide, and setting standards on geriatric health care,” dagdag paliwanag pa ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens.

 

Sabi pa ni Ordanes ang NCGH ay mag-uugat sa kasalukuyang Geriatric Unit ng Jose Reyes Memorial Medical Center.

 

Samantala, lumusot na rin sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang pag-amyenda sa Centenarians Act, at paliwanag ni Ordanes sa panukala ay bibigyan ng one-time cash gift na P1 milyon ang mga aabot sa edad 101.

Dagdag pa ng mambabatas, nasa House Bill 10647 din ang pagbibigay ng P25,000 cash gift sa mga aabot sa edad 80, 85, 90 at 95.

 

Bago pa ito, naaprubahan na rin sa komite ni Ordanes ang House Bill 10568 na magpapalawak sa mga benepisyo mula sa gobyerno ng mga senior citizens, gayundin ang House Bill 8424, kung saan isang porsiyento ng pondo ng lokal na pamahalaan ay ilalaan para sa pangangalaga at kapakanan ng mga nakakatanda.

Read more...