Sen. Leila de Lima tutol sa amnestiya kay MNLF leader Nur Misuari

Nagpahayag ng kanyang pagtutol si Senator Leila de Lima sa panukala mula sa Kamara na bigyan ng amnestiya ang mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa pamumuno ni Nur Misuari.

 

Paliwanag ni de Lima hindi angkop sa grupo ni Misuari ang ‘principles of amnesty’ dahil sa kanilang reputasyon na mag-aklas.

 

“The grant of amnesty to the Moro National Liberation Front should not operate to deprive Zamboanga City of justice for the terrorist acts committed by Nur Misuari and his MNLF faction during the 2013 Zamboanga Siege,” sabi ni de Lima.

 

Noong Enero 24, sinasabing 18 senador ang nag-apruba sa House Concurrent Resolutions No. 13, na pagsang-ayon naman sa Proclamation No. 1091 ni Pangulong Duterte.

 

Sa pagbabalik tanaw ni de Lima sa insidente, sinabi nito na sa tatlong linggo na pag-okupa ng MNLF members sa bahagi ng Zamboanga City, maraming sibilyan, pulis at sundalo ang namatay, bukod pa sa higit 100,000 ang lumikas.

 

Bukod pa diyan, nagsara ang Zamboanga International Airport, maraming kabuhayan ang nawala at tinatayang aabot sa P3.3 bilyon ang halaga ng mga napinsala.

 

Paghihimutok pa ng senadora, isinantabi ng gobyerno ang mga nagawang krimen ng MNLF kahit hindi umamin ang grupo ni Misuari sa nagawang pagkakamali.

 

Hindi rin dapat aniya binibigyan ng amnestiya ang naging bisyo na ang lumabag sa pakikipag-kasundo sa gobyerno, gayundin ang mga sangkot sa rebelyon at terorismo.

 

“I stand firmly on the side of the people of Zamboanga in their pursuit of justice. Until Nur Misuari and the rest of his MNLF faction are held to account for these atrocities, we maintain that this ‘peace’ will merely be an illusion,” dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Social Justice.

Read more...