Sumunod sa bigas, ang isda ang pinaka-nakokonsumo o kinakain ng mga Filipino kayat nais ni Senator Cynthia Villar na mapadami pa ang fish hatcheries sa bansa.
Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Agriculture, natalakay ang isang dosenang panukalang batas na ang layon ay makapagpatayo ng mga karagdagang fish hatcheries sa bansa.
Noong 2020, kabuuang produksyon ng isa sa bansa ay 4.3 milyong metriko tonelada na nagkakahalaga ng P273.5 bilyon.
Ang mga itinutulak na fish hatcheries ay sa Dinagat Islands, Samar, Northern Samar, Davao del Norte, Camarines Sur, Antique, Occidental Mindoro, Nueva Ecija at Bataan.
Una nang isinulong ni Villar ang pagpatayo ng fish hatcheries sa Albay, Puerto Princesa City at Iloilo.
Pagdidiin nito malaki ang maitutulong ng mga ito sa usapin ng food security sa bansa.
“Fish is the country’s second staple food next to rice. On the average, every Filipino consumes daily 98.6 grams of fish and fish products. The average Filipinos derive 22.5 percent of their annual food intake from fish products, a quarter of their daily diet,” aniya.
Paliwanag pa ng senadora matutugunan ng mga panukala ang mga isyu ukol sa overfishing, illegal fishing at pagkasira ng kalikasan dahil madadagdagan ang produksyon ng mga isda sa bansa na magreresulta naman sa pagbaba ng presyo ng mga ito para sa mga konsyumer.