Inihirit ni Senator Nancy Binay na isabay sa ikinakasang pagpapabakuna ng COVID-19 vaccines ang pagbibigay ng pensyon sa senior citizens.
Nabanggit ni Binay aang suhestiyon sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice ukol sa panukalang doblehin ang buwanang social pension ng mga mahihirap na nakakatanda.
Sa ngayon, P500 ang buwanang social pension ng indigent senior citizens.
Naniniwala si Binay na maraming hindi pa bakunadong senior citizens ang mahihikayat na magpabakuna kung maisasabay ito sa pension payouts.
“Because right now, the name of the game is how to be creative to encourage and make vaccination more available to our countrymen,” sabi pa nito.
Ang pagtaas sa P1,000 ng buwanang pensyon ng mga mahihirap na nakakatanda ay naipasa na sa Kamara noong nakaraang taon sa pagsusulong ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes.