COVID-19 vaccination drive ng gobyerno, epektibo – NTF

Photo credit: Quezon City government/Facebook

Bumaba nang husto ang bilang ng mga Filipino na nagdadalawang-isip na magpaturok ng COVID-19 vaccines, ayon sa National Task Force Against COVID 19.

Ibinahagi ng NTF Against COVID 19 na base sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa noong Disyembre 12 hanggang 16, walong porsiyento na lamang ang naitalang vaccine hesitancy mula sa 18 porsiyento noong Setyembre.

“Napakaganda po ng mga resulta ng survey na ito. Ito ay nagpapatunay na naging epektibo ang kampaniya ng pamahalaan upang makumbinsi ang ating mga kababayan na magpabakuna na,” sabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr.

Aniya, maituturing itong malaking tagumpay hindi lamang ng gobyerno kundi ng Pilipinas sa kabuuan.

Sinabi din nito na ang magandang resulta ay bunga ng pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, media at ng sambayanang Filipino.

Hanggang noong nakaraang Biyernes, Enero 21, umabot na sa 122,889,494 ang naiturok na COVID 19 vaccines at sa bilang 57,095,696 ang fully vaccinated na.

Read more...