Kapag siya ang nahalal na susunod na pangulo ng bansa, sinabi ni Senator Manny Pacquiao na bibigyan niya ang publiko ng pagkakataon na mabusisi ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Gayundin aniya ang SALN ng lahat ng mga opisyal ng gobyerno.
Ginawa ni Pacquiao ang pahayag bilang reaksyon sa sinabi ng kapwa presidential aspirant na si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala siyang plano na isapubliko ang kanyang SALN kapag siya ang nahalal na bagong pangulo ng bansa.
Katuwiran diumano ni Marcos na gagamitin lamang laban sa kanya ng kanyang mga kalaban sa pulitika ang kanyang SALN.
“Hindi ko alam kung ano ang gusto ng ibang kandidato basta sa ilalim po ng aking pamumuno, di lang po ang pangulo ang obligadong isapubliko ang SALN kundi maging ang lahat ng opisyal ng gobyerno,” sabi ni Pacquiao.
Ang standard bearer ng PROMDI Party ang itinuturing na pangalawa sa pinakamayaman na nagsisilbing senador sa kasalukuyan base sa isinumite niyang SALN.