Kinuwestyon ni Tanauan, Batangas Mayor Tony Halili ang pagkontrol umano ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas sa pondo ng mga lokal na pamahalaan.
Sinabi sa Radyo Inquirer ni Halili na noong pumunta si Roxas para sa dayalogo kasama ang ibang mayor sa Batangas ay tinanong niya ito kung bakit kailangan ang approval ng national government para magamit ang sariling pondo ng local government.
“Hindi ‘ata lam ni Sec. Roxas na mayroong DILG policy na pwedeng gamitin ng lokal na pamahalaan ang kanilang pondo. Pero bakit kinokontrol niya ang paggamit ng sarili naming pondo para makabili kami ng armas para sa aming anti-crime group at sasakyan gaya ng ambulansya para maserbisyuhan ang mga taga-Tanauan,” ayon kay Halili.
Iginiit ni Halili na dapat ay may ‘autonomy’ sa paggamit ng pondo ang lokal na pamahalaan at hindi sila dapat nasasakal at kinokontrol ni Roxas lalo’t sila ang nakaka-alam ng pangangailangan ng mga taga-Tanauan.
Dapat aniyang kontrolin ni Roxas ay ang pagbili ng mararangyang sasakyan at hayaan ang lokal na pamahalaan sa gastusin ang sariling pondo para sa pakinabang ng mga barangay./ Len Montano