Dahil sa napipintong muling pagtaas ng presyo ng produktong-petrolyo, muling ipinanawagan ni Senator Francis Pangilinan ang pagsuspindi sa pagkolekta ng excise tax sa mga produktong-langis.
Kasabay nito ang kanyang hirit na bigyan ng subsidiya ang mga nasa sektor ng transportasyon, gayundin ang mga magsasaka, mangingisda at ang mga gumagawa ng mga pangunahing bilihin.
Isang kompaniya ng langis ang nag-anunsiyo na maaring tumaas ng hanggang P1.90 ang kada litro ng diesel o krudo, samantalang ang gasolina naman ay maaring magmahal ng hanggang P1.50 ang bawat litro.
Ang napipintong pang-apat na sunod na oil price hike ay bunga ng mataas na halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
“Anuman pagtaas sa presyo ng langis ay may immediate impact sa pagtaas ng presyo ng pagkain at basic commodities. Ang mahihirap ang makakaramdam agad-agad ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin,” ayon sa vice presidential aspirant.
Base sa datos ng Department of Energy, noong nakaraang taon lumubo ng P17.65 ang presyo ng kada litro ng gasolina, P14.30 sa diesel at P11.54 naman sa kerosene.