Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang lahat ng mga manggagawa, anuman ang kanilang employment status, na nawalan o nahinto ang trabaho dahil sa pag-iral ng Alert Level 3 ay kuwalipikadong mag-apply sa P5,000 cash aid.
Ayon kay Labor USec. Dominique Tutay sakop ng ayuda ang mga regular, contractual, probationary at casual na mga manggagawa.
“Lahat po ng uri ng manggagawa regardless of employment status, puwede po ‘yung permanent, contractual, casual, on probation po, or kahit ‘yung agency-hired po na employed din po sa principal,” paliwanag ni Tutay sa isang panayam.
Nabanggit pa nito na inaasahan nila na halos 200,000 manggagawa o kawani ang hihingi ng P5,000 ayuda at ang mga ito ay sa Metro Manila at ilang lugar.
Pinairal ang Alert Level 3 bunga ng matinding pagsirit ng mga bagong COVID 19 cases simula noong linggo ng pagpasok ng bagong taon.
Bunga nito, may mga negosyo na naapektuhan, nagbawas ng empleado o operasyon.