Sinabi ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo Lacson na susuportahan niya ang anumang panukalang-batas para sa pagkakaroon ng diborsiyo at pagpapakasal ng magkatulad na kasarian sa bansa.
Katuwiran ni Lacson makakabuti na mas maging madali ang opisyal na paghihiwalay ng mga mag-asawa na malaking problema na ang pagsasama.
Dagdag pa niya mas mahirap makakuha ng annulment sa bansa para mapawalang bisa ang kasal.
Nilinaw din niya na ang pag-iisang dibdib ng magkatulad na kasarian ay susuportahan niya kung ito ay ‘civil marriage’ at hindi sa simbahan.
Kabilang din sa pinapaboran ni Lacson ay ang legalisasyon ng jueteng, paggamit ng marijuana bilang gamot sa mga maysakit, paglalathala ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga pampublikong opisyal, pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court.
Gayundin ang pag-iimbestiga ng ICC sa naging bahagi ni Pangulong Duterte sa ‘war on drugs’ at ang mga alegasyon ng extra-judicial killings kasabay nang pagkasa ng kampaniya laban sa droga.
Pabor din si Lacson sa pagreporma sa sistemang-pulitikal, na magiging daan sa pagbabalik ng ‘two-party system’ sa bansa.