Ridership ng EDSA Busway, umabot sa higit 47 milyon sa taong 2021

DOTr photo

Umabot sa 47,104,197 ang total ridership ng EDSA Busway sa taong 2021, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon sa kagawaran, nasa 129,000 ang average ridership ng naturang median bus lane service kada araw.

Sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakapagtala ang EDSA Carousel ng humigit-kumulang dalawang milyong commuter sa unang tatlong buwan ng 2021, habang 1.6 milyon naman ang naitala noong Abril nang isailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila.

Umakyat pa sa 2.6 milyong commuters ang naitalang ridership noong Mayo

Nang mahinto ang Phase 1 ng Service Contracting Program noong June 30, 2021, umabot sa 4.6 milyon ang ridership ng EDSA Busway.

Para sa buwan ng Hulyo, nasa 3.6 milyon ang ridership, 2.2 milyon noong Agosto, at 3.8 milyon noong Setyembre.

Dumoble pa ang bilang ng commuters na sumasakay sa huling tatlong buwan ng 2021; 6.4 milyon noong Oktubre, 7.4 milyon noong Nobyembre, at 7.6 milyon noong Disyembre.

“Masaya kami na marami ang nakinabang at patuloy na nakikinabang sa EDSA Busway lalo na ngayong panahon ng pandemya. Para ito sa tao. Kung may episyente at organisadong sistema sa daan at kakambal nito ‘yung bawas pasanin sa pamasahe, hindi ‘ho ba’t malaking ginhawa ‘yan sa ating mga kababayan?” ani DOTr Secretary Art Tugade.

Inihayag naman ni DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, nakatutulong din ang EDSA Busway upang mabawasan ang pagkakaroon ng exposure ng mga commuter sa virus.

“As an example, the 2-3 hours of travel pre-pandemic from MOA (Mall of Asia in Pasay City) to Monumento in Caloocan is now reduced to around one hour through the EDSA Busway,” punto ni Pastor.

Read more...