Inamin ni Labor Secretary Silvestre Bello na dapat ay humingi ng paumanhin ang gobyerno dahil sa hindi malinaw na pagpapatupad ng ‘no vaccination, no ride’ policy sa mga pampublikong sasakyan.
Aniya ang dapat na ihingi ng paumanhin ng gobyerno ay ang hindi pag-aanunsiyo na ang mga manggagawang hindi bakunado ay maari pa rin sumakay sa mga pampublikong sasakyan.
“I think there is a reason for us to apologize to the public for that kasi as I was telling Secretary Karlo, kailangan pa ng massive information drive about this policy,”sabi ng kalihim sa isang panayam sa telebisyon.
Naibahagi ni Bello na napanood niya sa telebisyon ang pag-iyak ng babae na hindi nakasakay dahil hindi pa fully vaccinated.
Katuwiran na lang din ng kalihim maaring hindi alam ng mga nagpapatupad ng polisiya na ‘exempted’ ang mga manggagawa.
Sa mga naunang anunsiyo ng Department of Transportation (DOTr), ang tanging ‘exempted’ sa polisiya ay ang mga pasahero na hindi maaring mabakunahan dahil sa kanilang kondisyon, mga naghahatid ng importanteng bagay at nagbibigay ng mahalagang serbisyo, gayundin ang mga patungo sa mga vaccination sites.