PhilHealth, mapanlinang sa COVID-19 home treatment package – Sen. Binay

Pinuna ni Senator Nancy Binay ang tila panlilinlang ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa kanilang ‘home treatment package’ para sa mga miyembro na positibo sa COVID-19.

Ibinahagi ni Binay na nadiskubre niya na ang Home Isolation Benefit Packages ng PhilHealth ay inaalok lamang sa anim na accredited providers sa buong bansa at wala kahit isa sa Metro Manila.

“Parang paulit-ulit na lang itong lokohan. Kawawa na naman ang mga kababayan nating umasa na may ganitong tulong, na hindi naman pala talaga nila mapapakinabangan. ‘Wag na sanang paasahin ang mga tao sa wala. May sakit na nga, pakiramdam mo pa eh parang na-scam. Halos one year na itong pino-promote, pero ampaw pala,” pagpupunto ng senadora.

Dapat aniya bago pa lamang ilunsad ang programa noong nakaraang taon, naging maayos na ang lahat, kasama na ang proseso.

“May mga kaibigan kami at kakilala na tinamaan ng Covid na nahihirapang lumabas para magpa-ospital, kaya gusto nilang mag-avail ng home treatment package. Nakaka-dismaya dahil di naman pala ito available. Ang tanong: Why advertise and promote something which is not available in the first place? It’s grossly misleading, unreliable and openly irresponsible. It’s an institutional fail,” diin ni Binay.

Read more...