Iminungkahi ni Senator Cynthia Villar na pag-aralan ang ikunsidera ang pagpapakain ng mga gulay sa mga baka sa halip na mais.
Ginawa ni Villar ang suhestiyon sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Agriculture sa mga panukala na may kaugnayan sa mga isyung bumabalot sa livestock industry sa bansa.
Partikular na ang Senate Bill No. 139 na iniakda nina Villar at Sen. Nancy Binay na layon mapagtibay at mapaunlad pa ang livestock industry sa bansa, kasama na ang dairy industry, bukod pa sa pagkakaroon ng livestock development fund.
Sa pagdinig, nabanggit ni Villar na sa kanyang pagbisita sa isang model cattle farm sa Thailand, nadiskubre niya na ang mga baka ay pinapakain ng mga gulay na sagana sa protina at nakatanim lamang sa paligid.
Iminungkahi ng senadora kay Dr. Carlo Adriano, ng National Economic and Development Authorioty (NEDA) na pag-aralan kung maaari na sa halip na mais ay mga gulay din ang ipakain sa mga livestock animals.
Sagot naman ni Adriano, mais ang pangunahing sangkap ng animal fees at kabilang din ito sa nakakaapekto ng presyo ng livestock and poultry animals.
Ngunit bukas si Adriano sa naging suhestiyon ni Villar at nangako ito sa senadora na masusing pag-aaralan ang ginawa sa Thailand.