Buong pagkukumbaba at labis na ikinagalak ni Senator Grace Poe ang pagpapangalan ng isang makasaysayang lansangan sa lungsod ng Quezon sa kanyang namayapang ama, si Fernando Poe Jr. o FPJ.
Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11608 para kilalanin ng Fernando Poe Jr. Avenue ang Roosevelt Avenue sa unang distrito ng Quezon City.
Sinabi ni Poe na may bahagi na ang kanyang namayapang ama, na tinagurian din Hari ng Pelikulang Pilipino, sa kasaysayan ng bansa.
“My family and I are humbled by this legislation. FPJ Avenue gives my father’s works and legacy a sense of place in our nation;s history,” dagdag pa ng senadora.
Hinihiling niya na sa bawat Filipino at bawat probinsiyano na dadaan sa naturang lansangan ay maaalala ang kanyang ama at magpapaalala din sa kanila na walang pangarap ang hindi kayang abutin.
Matatagpuan sa FPJ Avenue ang kinalakihang bahay ng namayapang aktor.
Una nang pinasalamatan ni Poe ang mga kapwa mambabatas sa Senado at Kamara sa pagpapahalaga sa kanyang ama.