LTO sa Quezon City, balik-operasyon na sa January 17

Balik-operasyon na sa Lunes, Enero 17 ang tanggapan ng Land Transportation Office sa Quezon City.

Ito ay matapos isara ang tanggapan ng LTO dahil 32 porsyento sa mga empleyado nito ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante, nagbukas na ang higit sa kalahati ng mga tanggapan ng LTO sa National Capital Region, araw ng Miyerkules (January 12).

Hinimok ni Galvante ang publiko na magrehistro at gamitin ang online service ng LTO na Land Transportation Management System (LTMS) na naglalayong magpababa ng tinatawag na “face-to-face exposure” sa mga opisina ng LTO, para na rin sa kaligtasan ng taong bayan.

Gayunpaman, maaari pa ring magsagawa ng transaksyon ang taong bayan sa iba pang mga opisina ng LTO na nananatiling bukas.

Kaugnay nito, upang makaiwas sa alalahanin at peligro para sa publiko, nagpatupad ang LTO ng dalawang (2) buwang extension sa validity ng mga Student Permit, Driver’s License, Conductor’s License, at medical certificates na ang expiration ay matatapat sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso.

Samantala, ang deadline naman para sa renewal ng mga sasakyan na ang plaka ay nagtatapos sa 1 maging mga rehistrong buwan ng Enero ang expiration ay extended naman hanggang sa buwan ng Pebrero.

Gawa ng bugso sa kaso ng COVID-19 sa mga empleyado ng LTO, inatasan ang karamihan sa mga empleyado sa mga apektadong tanggapan na isagawa ang kanilang mga tungkulin sa kani-kanilang mga tahanan para sa kanilang kaligtasan, habang ang tanging mga nasa opisina ay piling empleyado tulad ng kinakailangan sa teknikal na gawain, upang mapanatili ang sistema ng serbisyo ng LTO.

Read more...